Huwebes, Mayo 25, 2017

TULANG ROMANSA



TULANG ROMANSA

Ang tulang romansa ay tulang pasalaysay tungkol sa pakikipagsapalaran at kabayanihan na karaniwang ginagalawan ng mga prinsipe’t prinsesa at mga mahal na tao.

Naging palasak ang mga tulang romansa sa Europa noong Edad Media at maaaring nakarating ito sa Pilipinas mula sa Mexico noon pang 1610. Ngunit noong dantaon 18 lamang ito naging palasak sa ating bansa kasabay ng pagkakilala sa impremta at pagkatuto ng mga katutubo ng alpabetong Romano.

Ang panitikan ay isa sa mga paraang ginamit ng mga mananakop na Kastila sa pagpapalaganap ng relihiyong Kristiyano, at ang mga tulang romansa ay lumaganap kasabay ng pagdagsa ng mga aklat-dasalan. Layunin ng tulang romansa na mapalaganap ng diwang Kristiyano. Karaniwan, kung gayon, ang pagtawag sa Diyos ng mga tauhan at ang gantimpala ng langit sa mga nananalig. Karaniwan ding nagsisimula ang mga ito sa panalangin sa pag-aalay ng akda sa Birhen o sa isang santo.

Nagkasanib sa tulang romansa ang dayuhan at ang katutubo. Dayuhan ang (1) anyong pampanitikan na galing sa Europa at dinala rito ng mga prayle at sundalong Kastila; (2) ang mga tauhan, na may prinsipe at prinsesang may mga pangalang dayuhan; (3) ang tagpuan, na karaniwang isang malayong kaharian sa Europa; at (4) ang paksang relihiyoso na pinalalaganap sa pamamagitan ng anyong pampanitikang ito.

Ngunit binibihisan na ang tulang romansa ng katutubong pagkamalikhain. Katutubo ang (1) wikang ginamit sa mga tulang romansa; (2) ang tradisyon sa pagtula na dati nang ginagamit sa panitikang salimbibig, tulad ng bugtong, sawikain, at iba pa; (3) ang mga talinghagang likas sa wika; at (4) ang mga pagpapahalagang pamana ng ating mga ninuno, tulad ng pagmamahal sa magulang, pagtulong sa nangangailangan at iba pa.

Ang tulang romansa, kung gayon, ay dayuhang anyo na binihisan ayon sa katutubong panlasa. Maging ang mga tauhan, bagama’t mga prinsipe at prinsesang may mga dayuhang pangalan, ay nagpapahayag ng mga kaisipan at pagpapahalagang katutubo.


Dalawang Anyo ng Tulang Romansa
Ang awit at korido ay dalawang anyo ng tulang romansa. Nagkakaiba ang dalawang ito ayon sa sukat, himig, at pagkamakatotohanan.

Korido
(1) May walong pantig sa bawat taludtod.
(2) Sadyang para basahin, hindi awitin.
(3) Kapag inawit, sa himig na mabilis o allegro, ito ay dahil maikli ang mga taludtod, wawaluhing pantig lamang.
(4) Ang mga tauhan ay may kapangyarihang supernatural o kakayahang magsagawa ng mga kababalaghan na hindi magagawa ng karaniwang tao, tulad ng pagpatag ng bundok, pag-iibang anyo, at iba pa.
(5) Dahil dito, ang mga pakikipagsapalaran ng mga tauhan ay malayong maganap sa tunay na buhay.
(6) Halimbawa nito ang Ibong Adarna.

Awit
(1) May labindalawang pantig sa bawat taludtod.
(2) Sadyang para awitin, inaawit sa tanging pagtitipon.
(3) Ang himig ay mabagal o banayad, tinatawag na andante.
(4) Nahaharap sa mga pakikipagsapalaran ang mga tauhan sa awit, ngunit higit na makatotohanan o hango sa tunay na buhay ang mga pangyayari. Walang kapangyarihang supernatural ang mga bida.
(5) Maaaring maganap sa tunay na buhay ang mga pangyayari sa isang awit.
(6) Halimbawa nito ang Florante at Laura.

May iisang layunin ang awit at korido sa paglikha ng mga tauhang may kahangahangang kakayahan:
Lumikha ng larawan ng isang bayaning maaaring hangaan at pamarisan.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento