SANAYSAY
Ang
sanaysay ay isang maikling komposisyon na kalimitang naglalaman ng personal
na opinyon ng may-akda.
May
dalawang anyo ng sanaysay ang pormal at di pormal.
Ang
sanaysay ay nagbibigay impormasyon pamamagitan ng pagtatalakay sa mga paksang karaniwan,
pang-araw-araw, at personal. Idinidiin nito dito ang mga bagay-bagay, mga
karanasan, at mga isyung bukod sa kababakasan ng katanungan ng isang tao at
personalidad ng may-akda. Subhektibo ito sapagkat pumapanig sa damdamin at
paniniwala ng may-akda ang pananaw.
Unang Pagbasa
BAKIT AKO MAGSUSULAT SA WIKANG FILIPINO?
ni W. M. Reyes
Paano sisimulan ang pagsagot sa tanong na ito? Tila mas
madali ang magsulat na lamang ng ibang paksa sa sariling wika kaysa ipaliwanag
kung bakit kailangang gamitin ito. Kung tutuusin, hindi naman tinatanong (o ipinapaliwanag)
ng Inglatera o ng Estados Unidos kung bakit sila nagsusulat sa Ingles. Gayundin
ang iba pang bayan gaya ng Espanya, Pransya, Tsina, at Hapon kung nagsusulat
sila sa kanilang wika. At nakakatuwang isipin, kailangan pa nating ipaliwanag
sa ating mga kababayan at kumbinsihin sila ‘kung bakit magsusulat sa wikang Filipino?’
gaya ng ginagawa kong ito.
Ang layunin ay mabigyan ng karampatang pagpapaliwanag kung
bakit mahalaga ang paggamit at paglingap sa ating sariling wika. Sa pagsagot sa
tanong na ito wala akong intensiyon na sikilin ang ibang wika kapalit ng
paggamit ng wikang Filipino. Hindi ko pipigilan ang isang tao sa kanyang
kalayaang gamitin ang wikang kanyang napupusuan. Wala rin problema sa pag-aaral
sa mga banyagang wika. Kailangan lamang malinaw ang dahilan ng pag-aaral ng
wika. Ang mahalaga ay huwag talikuran ang wikang atin kapalit ng wika ng iba.
Ayon kay Rizal “nasa wika ang pag-iisip ng bayan” at dapat “linangin ang sa inyo at palaganapin, pangalagaan ang
sariling pagiisip ng bayan…”
Ang hikayat ko ay para sa mga taong makakaunawa sa aking
sasabihin. Sa mga taong makakasumpong ng kaliwanagan sa aking mga salita.
Maghahain ako ng tatlong dahilan bilang tugon sa tanong na
“Bakit ako magsusulat sa wikang Filipino?”
1.
KORPUS: Paglinang ng isang tradisyon
Ito ang isa sa mga dahilan kung bakit ako magsusulat sa
wikang Filipino. Nais kong makapag-ambag sa isang tradisyong makapagbibigay
daloy sa pagsulong ng wikang Filipino. Sa aking obserbasyon, walang malaking
korpus ng mga babasahin sa wikang Filipino kasi karamihan ay may humaling sa
pagsusulat sa wikang banyaga. Ang epekto’y binansot ang tradisyon sa
paglilimbag sa sariling wika kaya’t limitado lamang ang mababasang publikasyon
sa wikang Filipino. Kapansin-pansin ito sa pagpunta sa mga bookstore na halos
iilang
hanay lamang ang mga lathalain sa Filipino kumpara sa wikang Ingles.
Sa aking wari, nag-ugat ito sa kawalang direksiyon ng
patakarang pangwika sa sistema ng edukasyon na tuwirang nakaapekto sa ating
kabataan. Sa murang edad pa lamang ay hinuhulma na (o ginugulo) ang pag-iisip
kung anong wika ang kailangan nilang matutuhan. May pagkiling sa Ingles dahil
ito daw ang wika ng globalisasyon at naisasantabi ang sariling wika. Ang
resulta — ang pagkalayo sa sariling kalinangan at pagkahumaling sa banyaga. Seselyuhan
ito kapag dating ng mga estudyante sa mas mataas na lebel ng pag-aaral ng paniniwalang
mas mahusay ang isang tao kung nakababasa, nakasusulat at nakapagsasalita siya
sa wikang Ingles ng may punto o accent
gaya ng mga banyaga.
Bagaman may mga nagpasimula na sa intelektuwalisasyon ng
wikang Filipino at sa tradisyong paggamit at pagsusulat nito, sa hanay ng mga
edukadong Pilipino nanatiling limitado ang tagapagtaguyod ng wika lalo na’t sa
larangan ng pagsusulat (kumpara sa mga nagsusulat sa wikang Ingles). Binigyang
paliwanag ni Dr. Zeus Salazar ang isyu ng tradisyon at punto de bista sa
kanyang paunang mensahe sa isang aklat na inilimbag sa ibang bansa at nakasulat
sa wikang Filipino. Ayon sa kanya:
Isa sa mga kalunos-lunos na epekto ng ating hindi pa rin
nagbabagong sistema ng edukasyon ang pagpupumilit ng karamihan sa mga “may
pinag-aralang Pilipino” na magsulat sa Ingles kahit ito’y para sa mga Pilipino
mismo. Ito ang pinakamadaling gawin para sa kanila. Bakit pa nga naman
magpapakahirap na gumawa ng mga akdang pangagham sa sariling wika, gayong mas
madaling isulat ang alinmang natutuhan sa Ingles sa wika ring iyon. Kung ano
ang ipinasok sa kanilang utak ay siya ring lalabas doon — kahit na ito’y
nagdaan sa isang pang-unawa, dahil sa ang pang-unawa mismo’y hindi nakasalalay
sa sarili’t katutubong tradisyon.
Di tulad sa ibang bansa, ang pagpapakadalubhasa sa atin ay
nangangahulugang unti-unting pagkakahiwalay ng nag-aaral sa sariling kalinangan
at katutubong daigdig patungo sa ibang kalinangan at banyagang daigdig. Ang
nagdadalubhasa’y natututo hindi lamang ng isang pandalubhasang wika kundi,
kasabay nito, ng isang bagong wika at napapapasok sa ibang mundo. Kaya’t ang
dalubhasa at “edukadong” Pilipino’y napapahiwalay sa kanyang bayan nang
dalawang beses. Ang una’y normal at kahawig sa nangyayari sa ibang bansa: ang
dalubhasa’y natuto ng espesyal na wika ng kanyang agham o ispesyalisasyon. Ang pangalawa’y
kahawig sa pagiging hiwalay at iba ng mga dalubhasa’t “edukadong” Europeo noong
kalagitnaang panahon, nang ang wikang pang-edukasyon ay Latin, sa kani-kanilang
mga bayan: ang “edukadong Pilipino” ay napapasama sa ibang kalinangan, nagiging
bahagi ng ibang pagpapalitan ng damdamin, isip, at layon.
Ito ang dahilang estruktural kung bakit hindi tayo makabuo
ng isang tradisyong intelektuwal at pang-agham. Ang akala ng mga “nakapag-aral”
ay mayroon na tayo nito—iyon ngang napag-igiban nila ng anumang naangkin nilang
kaalaman. Kaya kung makaaambag sa isang agham o makalilikha man sila sa isang
sining mangyayari ito sa loob na ng tradisyong iyon, na kung saan sila ay
nagdaan, nahulma at lumabas. Walang alinlanga’t sa Ingles sila kakatha. Kahit
na sa kasaysayan, na siyang agham-panlipunang napakaimportante sa pagbuo ng
isang sariling pambansang kamalayan. Mula kay Agoncillo hanggang kay Zafra’y sa
Ingles ang ating pagkakaalam sa pagiging isang bansa, sa nakaraan at tinutungo
ng bayan.
Katunayan ay isang bahagi lamang tayo, sa kabuuan, ng
istoryograpiyang Amerikano, katulad ng pagiging bahaging pang-local color ng
literaturang Amerikano ng ating panitikan sa wikang Ingles (sa kanila ng
pagtangka ni Nick Joaquin na iugnay ang ilang tema sa panahong Kastila). Sa
gayo’y hindi nakapagtataka na sa Amerika pa nagdadalubhasa ang mga istoryador
na Pilipino at halos kasindami ng mga Pilipino ang mga “ekspertong” Amerikano
sa kasaysayang Pilipino.
Totoo’t makabubuo rin (at nakabuo nga sa halimbawa ni
Agoncillo), sa kabila ng pagkakagapos sa tradisyong Amerikano, ng isang punto-debistang
Pilipino, subalit–gaya ng itinawag sa penomenong ito –“puntodebista” nga lang
talaga at hindi sariling tradisyon!”(1)
Bagaman ito ang sistemang kinapapalooban ng karamihan,
mahalagang bigyang-pansin din ang mulat na mga pagkilos buhat sa akademya at
mga kaibigan ng wika sa paggamit nito. Patuloy itong sinusulong ng mga
organisasyon gaya ng Komisyon sa Wikang Filipino, Filipinas Institute of
Translation, Sentro ng Wikang Filipino, UP Departamento ng Filipino at iba pa.
Nagsasagawa sila ng mga seminar, patimpalak, workshop, at mga kumperensya upang pag-ibayuhin ang paggamit sa
wika. Hindi gaya ng mga gawaing pang-eskuwelahan, ang kanilang aktibidades ay
hindi lamang nakakahon sa pagdiriwang ng ‘Buwan ng Wika’ tuwing Agosto ng bawat
taon. Bagkus ang tunguhin ay gamitin ang wikang Filipino hindi lamang sa
pang-araw-araw na gawain kundi iakyat din ang lebel ng paggamit nito tungo sa
intelektuwalisasyon ng wika sa larangan ng akademya. Mababasa ang ganitong
kalakas na paninindigan sa serye ng tanong at sagot sa website ng
Sawikaan. Halaw dito ang mga sumusunod na tala:
“Walang dudang may mataas nang kakayahan ang Filipino para
sa gamit na siyentipiko at teknikal. Napatunayan na ng mga saliksik at
eksperimento na puwedengpuwedeng gamitin ang Filipino sa anumang disiplina. Sa
Unibersidad ng Pilipinas, bukod sa totohanang paggamit ng Filipino sa mga klase
sa agham at matematika ay nakapaglathala na ng maraming teksbuk sa iba’t ibang
larangang akademiko….”
“Ang wikang Filipino ay may kakayahan ding maging imbakan ng
karunungan. At bahagi ng ating ganap na intelektuwal na paglaya ang patuloy na
pagpapaunlad at pagpapalaganap ng Filipino bilang tunay na wikang akademiko.”
(2)
b.
Lakas ng Wika Natin – Ang Potensyal ng Wika sa Larangang Internasyonal at Pandaigdig
Ang ikalawang dahilan kung “bakit ako magsusulat sa wikang
Filipino?” ay dahil ipinasumpong din ang potensyal ng wika sa larangang
internasyonal. Hayaan ninyong ibahagi ko ang isang karanasan tungkol sa bagay
na ito.
“Di ako makatulog. Mayroon akong iniisip. Isang pangarap.
Isang layon. Maaari din isang misyon. Hangad ko na balang araw, makasulat ako
ng aklat sa Wikang Filipino na ililimbag sa ibang bansa. Sa tingin ko panahon
na para kilalanin ang Filipino bilang wikang internasyonal at wika ng mga
intelektuwal. Ito’y isang maikling tala at wala pang detalye. Ni ang mga
dahilan ay di ko lahat mababanggit. May puwersa lamang mula sa kalooban ko. Kung
darating ang panahong bubuuin ko na ang aklat at kailangan ko ng inyong tulong
at suporta… matutulungan n’yo kaya ako? Para sa Dakilang Bayang Pilipino.
Salamat.”
Isang magandang oyayi ni Landicho ang nagpapakita ng
pagmamahal ng magulang sa pagpupunla ng pag-asa sa kinabukasan. Hango ito sa
isang dulang kanyang isinulat, na kung saan umawit si Gregoria de Jesus ng
oyayi sa anak nila ni Andres Bonifacio.
Tulog na, bunsong sinta
Ama mo’y nasa malayo
Nagpupunla ng pag-asa
Sa bayang diwa’t puso.
Tulog na bunsong sinta
Buhay ng kinabukasan
Gigising ka, bunsong anak
Sa bukas na iyong-iyo.
Tulog na bunsong sinta
Tulog na bunsong sinta.(12)
Sa pagsulong ng panahon, ang wikang Filipino ang taling
magbibigkis sa lahat ng nakakaunawa ng wikang ito saan man sa mundo. Isa itong
instrumento ng integrasyon, ng talastasan, at ng pagkakaunawaan. Sa pagpapagal
ng kasalukuyang henerasyon tungkol sa pagsulong ng wika, nawa, sa paggising ng
ating mga bunso, makasumpong sila ng isang daigdig na maituturing niyang
magandang pamana. Ang paggamit at ang pagsusulat nito ang ilan sa mga paraan
upang lumawig, malinang, at magpatuloy sa paglago ng ating wika–
ang
wikang Filipino.
Sanggunian:
Salazar,
Zeus A. “Paunang Salita” ni Nilo S. Ocampo. 1985. Katutubo, Muslim, Kristyano: Palawan,
1621–1901. Kolonya, Alemanya: Bahay-Saliksikan ng Kasaysayan (BAKAS).
Almario,
Virgilio. 2001. UP Diksiyonaryong Filipino. Lungsod Quezon: Unibersidad ng Pilipinas-Sentro ng Wikang
Filipino.
Landicho,
Domingo G. 2001. Diskurso sa Pilipinismo: Pagsilang ng Inang
Bayan. Quezon City: UP Press.
Asuncion,
Ruben Je_ rey A. “Pandaigdigan na ba ang Wikang Filipino?” The Varsitarian (Tomo
LXXIX, Blg. 3, Setyembre 7, 2007) na-access
sa http://www.varsitarian.net/_lipino/ pandaigdigan_na_ba_ang_wikang__
lipino, May 25, 2010, 9:52 pm
http://randydavid.blogspot.com/2005/01/wika.html,
May 29, 2010, 11:34pm
http://www.sawikaan.net/kartilya_ng_wikang__
lipino.html, May 29, 2010, 7:57pm
http://www.hawaii.edu/_
lipino/intlconf2008/ May 25, 2010, 9:52 pm
http://www._
lipinas.inquirer.net/?p=3247 May 25, 2010, 10:00 pm
http://www.chinchingutierrez.com.ph/uyayi4.php,
May 29, 2010. 4:25pm
Pangalawang Pagbasa
Pebrero 17, 2010, 11:52 pm, UPCO, Laguna, Pilipinas
Ito ang aking tala sa Facebook account na pinamagatang
“Pangarap na Aklat.” Isang gabing iyon na pinagmumuni-munihan ko ang tungkol sa
pagsulong ng wikang Filipino bilang wika ng daigdig. Lubhang ikinalugod ko ang
mga tugon ng pagsuporta mula sa mga kaibigan, dating mga estudyante, at maging
mga tinitingalang mga tao sa akademya. Isang komento ang umagaw ng aking
atensyon dahil hindi ko inaakala na mapapansin ang aking tala. Ito ang komento
ni Dr. Zeus Salazar:
“Ok ka, pare ko. Yung libro ni Nilo Ocampo (Palawan) at ni
Jimmy Veneracion (Kasaysayan ng Bulakan) inilathala sa Kolonya (Alemanya) noong
dekada ‘80. Kung magsusulat lang ang lahat ng Pinoy sa ibayong dagat sa
sariling wika at ilalathala nila kung saan man sila nakatirik, mas dadami pa
ang mga librong Pilipino abroad…”
At tila isang batingaw ang linyang ito: “Kung magsusulat
lang ang lahat ng Pinoy sa ibayong dagat sa sariling wika at ilalathala nila kung
saan man sila nakatirik, mas dadami paang mga librong Pilipino abroad.”
Oo nga naman. Sa dami ng Pilipino sa buong mundo. Sa
katunayan, sa bawat bansa ay may Pilipino…at kung sabay-sabay silang
maglalathala ng mga sulatin sa wikang Filipino, katotohanang mas lalawak pa ang
saklaw nito at magiging ‘wika ng talastasan ang wika natin’. Ngunit bakit
walang ganitong ‘kilusan’ o pagpupunyagi sa wika? Dahil nga ito sa ating nabanggit
na sa unang bahagi na may kaugnayan sa tradisyon ng pagsusulat sa Filipino.
Patuloy akong nanaliksik tungkol sa pagsusulong ng wika sa
labas ng bansa nang maibahagi ng isang kaibigan ang artikulong may pamagat na
“Pandaigdigan na ba ang Wikang Filipino?” Hango sa panayam na ito binigyang
halimbawa ng isang propesor na maaaring isang wikang global na ang Filipino sa
lebel ng paggamit ng wika sa pakikipagusap.
“Nagbigay naman siya (Dr. Florentino Hornedo) ng apat na
halimbawang nagpapatunay na maaaring isa nang wikang global ang Filipino. Ang
mga ito ay: a.) kapag nakipag-usap ang isang Pilipino sa isang dayuhan gamit
ang Filipino dito sa bansa; b.) kapag nakipag-usap ang isang Pilipino sa isang
dayuhan gamit ang Filipino, sa ibang bansa; c.) ang pakikipagusap ng isang
banyaga sa kapwa banyaga gamit ang Filipino dito sa Pilipinas; at d.) ang paggamit
ng banyaga ng Filipino upang makipag-usap sa kapwa banyaga sa ibang bansa.”(3)
Nakikita na natin ang potensyal ng wika kasabay ng
pagsasagawa ng mga gawain at pagtataguyod ng mga kilusan upang isulong ang mga
gawaing pangwika sa loob at labas ng Pilipinas. Nabanggit na sa unahang bahagi
ang mga pagkilos sa loob ng bansa. Sa labas naman ng bansa ilang gawain na rin
ang naisagawa sa tunguhin ng pagpapalakas ng wika. Nagkaroon ng 1st
International Conference on Filipino as Global Language: Future Directions and
Prospects sa University of Hawa’ii at Manoa noong Marso 17–19, 2008.(4)
Sinundan
ito ng The Second International Conference on Filipino as a Global Language sa Hilton
San Diego, Mission Valley, San Diego California noong Enero 15–18, 2010. (5)
Isa sa layunin ng mga kumperensyang ito ang maging pook ng
pagpapalitan ng ideya tungkol sa wikang Filipino. Mahalagang nagkakaroon ng mga
ganitong talastasan ang mga guro, mananaliksik, administrador, manunulat,
entreprenyur, opisyal ng gobyerno, pulitiko, mag-aaral, at mga may hilig at
interes sa wikang Filipino upang mapalalim ang pag-unawa at maisulong ang wika.
Bukod sa pagsusulat gamit ang wikang Filipino, sa larangang
internasyonal, nagkakaroon na rin ng pagkagusto sa mga awiting may lahok na mga
salitang Filipino. Pinatunayan na ito ng grupong The Black Eyed Peas. Sa
grupong ito, si Apl.de.Ap (Alan Pineda Lindo) ang nagsasama ng mga awiting may
salitang Filipino. At napakalakas ng apela nito para sa komunidad na
nakakaunawa ng wika. Ilan sa mga awiting humakot ng malaking suporta at
paghanga ang The Apl Song (2003), Bebot (2005) at Mare (2009). Kung papalitan
lamang ang ilang salita sa isinulat ni Dr. Salazar at ilalapat sa larangan ng
musika. “Kung aawit lang ang lahat ng Pinoy sa ibayong dagat sa sariling wika
at ire-record nila kung saan man sila nakatirik, mas dadami pa ang mga awiting
Pilipino abroad. Malaking tulong ang kulturang popular upang mahatak ang mga
tao sa pagsasalita, pag-aaral, at ‘di kalaunan, pagsusulat sa wikang Filipino.
Bunga na rin ng pagkalat ng mga Pilipino sa buong mundo
(dahil sa trabaho o migrasyon), hindi na rin maitatanggi na ang wika ang isa sa
mga mahalagang salik ng nakapagbubuklod sa mga Pilipino saan man sa mundo. Ang
wika din ay mabilis na napapakalat at napapalago.
Hango sa isang artikulo ng “The
Varsitarian”
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento