ALAMAT NG PARUPARO (ALAMAT)
Noong unang panahon, may magkapatid na ulila na naninirahan
sa isang ilang na baryo sa Laguna. Ito ay sina Amparo na ang palayaw ay Paro,
samantalang ang nakababata naman ay si Perla na pawang sumisibol na dalagita.
Pagtitinda ng bulakalak ang kanilang ikinabubuhay. Magkaiba ang ugali nila, si
Amparo ay tamad at walang kinagigiliwang gawin kundi ang lumapit sa mga bulaklak
at amuyin ito. Samantalang si Perla naman ay masipag at masinop sa kabuhayan.
Likas na mabait si Perla, pasensiya na lamang ang kaniyang
binibigay sa kapatid na si Amparo na ubod ng tamad.
Ngunit isang araw ay naubos na ang pasensiya ni Perla at nagalit
kay Amparo na laging nagrereklamo sa kanilang ulam. Galit din sumagot si
Amparo, “Anong gusto mo, alilain ako at busabusin? Ako ang masusunod dahil ako
ang nakatatanda,” sabay nanaog at pumitas ng halaman sa hardin at nagtuloy sa
ilog upang pagmasdan ang bulaklak sa kanyang buhok. Pagdukwang niya ay
tuloy-tuloy siyang nahulog sa ilog. Sa pag-aalala
sa kapatid ay sumunod si Perla at kitang-kita niya nang mahulog si Amparo sa
ilog. Sumigaw nang malakas si Perla “Paro! Paro!,” marami ang nakarinig at tinulungan
siya ngunit walang Amparo silang nakita.
Habang balisang nagmamasid ang mga tao sa ilog, ay may isang
bulaklak ang lumutang sa kinahulugan ni Amparo at unti-unti itong gumalaw,
dahan-dahang nawala ang hugis bulaklak nito at unti-unting umusbong ang pakpak
na may iba’t ibang kulay. Walang ano-ano ay lumipad at nakita ni Perla na
pumunta ito sa halamanan at nagpalipat-lipat sa mga bulaklak. Kinutuban si
Perla at nasambit niya ang katagang “Paro! Paro…!”
Simula noon, ang maganda at makulay na munting nilikha ay
tinawag ng mga tao na paruparo.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento