ANG MATABA AT PAYAT NA USA
Noong unang panahon, may magkapatid na
balo sa bayan ng Agamaniyog. Sila ay sina Mapiya a Balowa at Marata a Balowa.
Bawat isa sa kanila ay may anak na babae. Ang anak ni Mapiya a Balowa ay si
Anak na Mararaya at ang anak naman ni Marata a Balowa ay si Anak na Marata.
Isang araw, pumunta si Mapiya a Balowa
at ang kanyang anak sa kagubatan upang manguha ng mga ligaw na hayop para may
makain. Mangunguha rin sila ng panggatong.
Pinagpawisan sila nang marating ang
kagubatan. Nadako sila malapit sa nakahigang using ubod ng taba. Tinanong sila
ng usa kung saan sila pupunta. Sinabi ni Mapiya a Balowa na naghahanap sila ng
ligaw na hayop. Nang malaman ng usa na kailangan nila ng karne ng ligaw na
hayop, nagmamakaawang sinabi nito sa mag-ina na sa kanyang katawan na lamang
kumuha dahil mamamatay na rin siya. Nagtanong si Mapiya a Balowa kung bakit
mamamatay ang usa na mataba naman ito. Sumagot ang usa na dahil sa katabaan,
hindi nito makayanan ang kanyang katawan. Ngunit hindi rin ito mamamatay kung
maingat ang mag-ina sa pagkuha ng karne sa kanyang katawan at hindi maaabot ang
puso nito. Naiiyak sa awa ang mag-ina kaya nang magsimula na silang maghiwa sa
katawan ng usa, naging sobrang ingat nila. Nang mapuno na ang kanilang
lalagyan, nagpaikot-ikot ang usa sa lupa hanggang mawala ang sugat nito.
Nagpasalamat ang usa sa mag-ina dahil
nabawasan na rin ang kanyang taba at ito’y umalis na. Umuwi na sa bahay ang
mag-ina. Ipinagbili nila ang nakuha nilang laman ng usa at dinala ang iba sa
kanyang tiyahin na si Marata a Balowa. Subalit hindi ito tinanggap ni Marata a
Balowa. Sa halip ipinabalik niya ito at ipinagmalaking magkakaroon din sila ng
katulad noon.
Nagtanong si Marata a Balowa kung saan
nila nakuha ang karne ng usa at ikinuwento naman ng anak sa tiyahin niya ang
lahat.
Kinaumagahan, pumunta sa kagubatan si
Marata a Balowa at ang kanyang anak. Pinagpawisan sila sa kalalakad at tumigil
sila sa ilalim ng puno. Nagdududa na sila sa ikinuwento ng anak lalo na ang
anak ni Marata a Balowa na si Marata. Matapos ang mahabang pagpapahinga, may
nakita silang usang payat at mahinang-mahina na halos di na makalakad. Nang
makita ito ni Marata, masayang-masaya niyang ibinalita sa kanyang ina. Nang
makita ito ng kanyang ina, nanlumo ito dahil sa kapayatan ng usa. Ngunit
binalewala ito ni Marata at sinabing papatayin pa rin nila ito at kukunin ang
puso at atay. Nang marinig ng usang sinabi ni Marata, nagmakaawa ito at sinabi
pa nitong ito’y masakitin at payat. Hindi ito pinakinggan ni Marata. Lumapit
siya sa usa at hiniwa ito. Nagmamakaawa pa rin ang usa at sinabing huwag
galawin ang kanyang puso at atay dahil ito ang magiging dahilan ng kanyang
kamatayan. Patuloy sa paghiwa ang mag-ina hanggang sa nasugatan nila ang puso
at atay ng usa. Nang maramdaman ng usa na unti-unti nga siyang pinapatay ng
mag-ina, biglang tumayo ito at nagpagulong-gulong sa mga laman na tinanggal sa
kanyang katawan. Nabuo na muli ang katawan ng usa na walang sugat.
Namatay ang mag-inang Marata a Balowa
at Marata dahil sa ginawa nila sa di-pangkaraniwang usa.
Sipi mula sa Mga Piling Kuwentong Bayan ng
Mga Maguindanaon at Maranao
Nina Nerissa Lozarito-Hufana, Ph.D.
Claribel Diaz-Bartolome, Ph.D.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento