PAALAM SA PAGKABATA
(Kuwento/Cebuano)
Salin ni Nazareno D. Bas sa
“Panamilit sa Kabantanon” ni Santiago Pepito
Wala akong nakikitang pagbabago. Tulad nang
nagdaang mga madaling-araw: ang ginaw, katahimikan, dilim – iyon din ang
bumubuo ng daigdig ng aking kamalayan. Maraming bagay ang dapat mailarawan.
Ngunit alam kong iisa lamang ang kahulugan ng mga iyon. Alam ko.
Sa kabilang silid, sa kuwarto nina
Nanay at Tatay, naririnig ko ang pigil na paghikbi. Umiiyak na naman si Nanay.
Ang sunud-sunod na paghikbi ay tila pandagdag sa kalungkutan ng daigdig.
Napabuntonghininga ako. Umiiling-iling. Hanggang ngayon hindi ko pa nakikita
ang tunay na dahilan ng damdaming iyon na matagal nang umalipin sa kanya.
Walang malinaw sa aking isipan. Mula sa
aking pagkamulat, ang pagkainip ay kakambal ng aking buhay. Sa aking pag-iisa,
di ko maiwasan ang pangarap na magkaroon ng batang kapatid na nag-aangkin ng
mabangong hininga at taglay ang ngiti ng isang anghel. Ngunit ang damdamin ko’y
tila tigang na lupang pinagkaitan ng ulan.
Maliwanag na ang silangan nang ako’y
bumangon. May bago na naming umaga. Ngunit ang tanawin sa bahay ay walang
pagbabago. Tulad ng dati, nakikita ko si Nanay na nakaupo at nag-iisip sa may
hagdanan. Nakatitig siya sa sampayan ng lambat ni Tatay at madalas ang kanyang
pagbubuntong-hininga.
Matagal ko nang nakikita ang sampay na
lambat. Ngunit hindi ko nakikitang ito’y ginagamit ni Tatay. Noon ay walang
halaga ito sa akin. Nagsimula ang pagpansin ko sa lambat noong ito’y itinapon
ni Nanay mga dalawang taon na ang nakakaraan. Galit na galit si Tatay sa ginawa
ni Nanay. Pinagbuhatan ni Tatay ng kamay si Nanay. Pagkatapos, ipinabalik kay
Nanay ang lambat sa sampayan.
“Hanggang ngayon ba’y hindi ka pa
nakakalimot, Tomas? Alam ng Diyos na wala akong kasalanan. Ang kanyang ginawa
ang siya mong ginagawa tuwing ikaw ay darating sa madaling-araw. Ang kanyang
amoy ay siya ring amoy na galing sa dagat. Magkatulad ang inyong ikinikilos.
Sino ang hindi mag-aakala na siya ay hindi ikaw? Huli na nang malaman ko ang
katotohanan. Huli na nang siya ay aking makilala. Totoong lumigaw siya sa akin.
At mula noon ay alam mo iyon. Ikaw ang aking iniibig, Tomas. Kailan mo pa
malilimutan ang nangyari?”
Tuluyang umiyak si Nanay. Umungol
lamang si Tatay. Nanlilisik ang mga matang tumingin sa lambat at pagkatapos ay
bumaling sa akin. May ibig sabihin ang tingin niyang nag-aapoy. Maliban sa
takot na aking nararamdaman ay wala akong naintindihan sa pangyayaring iyon.
Mula noon ay hindi na ginalaw ni Nanay
ang lambat. Naluma na ito ngunit buong-buo pa rin sa aking paningin. Buong-buo
pa rin sa paningin ni Nanay. Ano kaya ang misteryong napapaloob sa lambat na
iyon? Alam kong alam ni Nanay ang hindi ko nalalaman. At kailangang malaman ko
ito. May karapatan akong makaalam.
Nilapitan ko si Nanay na malalim pa rin
ang iniisip. Hinalikan ko ang kanyang kamay. May ibig akong itanong tungkol sa
misteryo ng lambat. Ngunit nauntol ang ibig kong sabihin nang magpatuloy ang
kanyang pagluha.
“Lakad na Celso, malapit nang dumating
ang Tatay mo.”
Sa labasan, sumalubong sa akin ang
bagong araw. Tumingin ako. Maliwanag ang langit. Langit? May gumugulo sa aking
kalooban. Kalawakan. Iyan ang sabi ng aking guro sa ikaapat na baitang ng
primarya. Iyan ay hindi langit kundi hangganan lamang ng pananaw ng tao. Ang
langit ay nasa tao. Hindi nakikita. Hindi nahihipo. Hindi naaabot. Naabot na
kaya ni Nanay ang langit?
“Ano pa ang hinihintay mo, Celso?”
Ipinahid ko sa mukha ang suot kong
sando. Humakbang pagkatapos. Mayamaya’y tumakbo na ako ng matulin.
Nasa dalampasigan ang mamimili ng
isdang dala ng mga bangkang galing sa laot. Masasaya silang nagkukuwentuhan
habang hinihintay ang mga mangingisda. Sumalampak ako sa buhangin, malapit sa
kinauupuan ng dalawang lalaking may katandaan na. Sa laot ako nakatingin at
pinagmamasdan ang galaw ng mga alon na pandagdag sa kagandahan ng kalikasan.
Napalingon ako nang makarinig ng tugtog
ng gitara mula sa di-kalayuang bahay-pawid. At sabay kong narinig ang malungkot
na awiting nagsasaad ng kasawian sa pag-ibig. At muli na namang naantig ang
aking damdamin. Habang pinakikinggan ko ang malungkot na kundimang umalingawngaw
ang mahinang pag-uusap ng dalawang lalaki sa tabi ko.
“Naririyan na naman siya.”
“Talagang pambihira ang kanyang
pagmamahal. Naniniwala akong nagpapatuloy ang kanyang pangarap habang di pa
namamatay ang babae sa kanyang buhay. Hindi nawawala ang kanyang pag-asa. Kung
kailan natutupad ang kanyang pangarap Diyos lamang ang nakakaalam.”
Dinig na dinig ko ang mga kataga habang
nagpapatuloy ang malungkot na kundimang naging bahagi na ng aking buhay. Tumayo
ako at ibinaling ang paningin sa bahay-pawid sa lilim ng kaniyugan. Patuloy ang
awitin. Humakbang ako ngunit biglang napatigil sa harap ng dalawang lalaking
may katandaan na. Naalala ko ang sabi ni Tatay. Bawal pumunta sa bahay-pawid na
iyon. Mahigpit ang utos ni Tatay. Nagbabanta ng parusa.
Lumingon ako sa laot. Nasa malayo ang
mga bangka ng mga mangingisda. Bumaling ako sa pinanggalingan ng awit na
ngayo’y gumaganda sa aking pandinig. At para akong hinihila. Nakalimutan ko ang
ipinagbabawal ni Tatay. Mabilis ang aking paglakad at sa ilang saglit kaharap
ko na ang taong naggigitara at umaawit. May luha sa kanyang mga mata.
Tumitig siya sa akin. Inilapag ang
gitara sa ibabaw ng papag na kinauupuan. Tumayo siya at dahan-dahang lumapit sa
akin. Kinabahan ako. Umakma akong tumakbo ngunit nahawakan niya ang isa kong
kamay. Nagpumiglas ako upang makawala sa kanyang pagyapos sa akin. Ngunit
lalong humigpit ang kanyang pagyakap. Umiiyak ako.
Ngumiti siya at pinahid ang aking mga
luha. Hinimas ang aking ulo. Unti-unting lumuwag ang aking paghinga. Nararamdaman
ko ang kanyang pagmamahal nang tumingin ako sa kanya. Muli niya akong niyapos.
“Dalawin mo akong palagi, ha?”
Hindi ako kumibo. Tinitigan ko siya.
Ang kanyang mga mata, ang ilong, ang labilahat parang nakita ko na. Saan? Alam
ko na, sa salamin. Talagang siya ang nakita ko sa salamin na nakasabit sa
dingding ng aming bahay.
Napatingin ako sa dalampasigan nang
marinig ko ang hiyawan. Nagdatingan na pala ang mga bangka at nag-uunahan ang
mga mamimili ng isda. Nagmadali akong tumakbo upang salubungin ang Tatay.
Malayo pa ako ng makita ko siyang nakatayo sa may dinaungan ng kanyang bangka.
Natanawan niya ako. Masama ang titig niya sa akin. Galit. Kinabahan ako.
“Lapit rito, Celso!”
Malakas ang sigaw ni Tatay. Nanginginig
akong lumapit. At bigla akong sinampal.
“Di ko gusto ang batang matigas ang
ulo! Di lang sampal ang matitikman mo kapag umulit ka pa. Hala, kunin mo ang
mga isda at sumunod ka kaagad sa akin.”
Habang naglalakad ay sinalat ko ang
pisnging nakatikim ng sampal. Talagang mahirap intindihin si Tatay. Wala namang
dahilan upang iwasan ko ang taong nasa bahay-pawid. Di naman dapat katakutan
ang kanyang mukha at boses. Bakit kaya hinihigpitan ako ni Tatay?
Matapos akong mag-almusal, nandoon na
naman si Tatay sa sampayan ng lambat. Nakatabako at nagtatagpi ng punit na
bahagi ng lambat. Alam kong aabutin siya ng tanghali bago matapos ang kanyang
gawain. Matapos makapananghali, siya’y matutulog. Pagkagising, maghahapunan. At
di pa man ganap ang gabi, balik na naman sa dagat. Iyan ang buhay ni Tatay. At
iyan ang bahagi ng aking buhay.
Sa aking kinauupuan sa may bintana,
nakikita ko si Nanay na nakaupo sa may hagdanan. Tahimik at nakatingin na naman
sa sampayan ng lambat. Luhaan na naman ang kanyang mga mata. At naalala ko ang
pangyayari noong itinapon ni Nanay. Lahat may itinatagong kahulugan. At naalala
ko ang nangyari kanina sa
dalampasigan. Naalala ko iyong tao.
Lumapit ako sa salamin sa dingding.
Pinagmasdan ko ang aking sarili. Nakita ko sa aking isipan ang mukha ng tao.
Unti-unting lumiwanag ang aking kamalayan. Biglang kumulo ang aking dugo habang
iniisip ang nakasampay na lambat. Nagdilim ang aking paningin. Nadama kong
inihahanap ko ng katarungan ang aking kalagayan.
Nagpunta ako sa kusinaan. Hinanap ko
ang itak ni Nanay na pangsibak ng kahoy. Bitbit ko ito at pinuntahan ang
sampayan ng lambat. Pinagtataga ko ang lambat.
“Huwag, Celso!” saway ni Nanay na
nanginginig ang boses. “Huwag!”
Naiiba sa aking pandinig ang pagsigaw
ni Nanay. Pati si Tatay ay natigilan at nabigla sa aking ginawa ay hindi ko
pinansin. Hinalibas ko ng itak ang lambat at saka lang ako tumigil nang ito’y
magkagutay-gutay na at nagkalat sa aking paanan.
“Celso!”
Nag-aapoy ang mga mata ni Tatay na
humarap sa akin. At sa unang pagkakataon ay hindi ko inalis ang aking tingin sa
kanya. Nilabanan ko siya ng titigan. Di ako nagagalit kundi humihingi lamang ng
pang-unawa. Ngunit bigla akong napatimbuwang nang matamaan ng malakas na suntok
at napahiga sa pira-pirasong wasak na lambat.
Nahihilo ako, parang ibig himatayin.
Umiikot ang aking paningin. Parang may nakita akong anino – si Tatay na
sumusurot kay Nanay.
“Ngunit, Tomas,” nagmamakaawa si Nanay.
“Wala siyang kasalanan. Maawa ka sa kaniya.”
“Pumanhik ka, Isidra!” singhal ni
Tatay. “Pumanhik ka na habang ako’y nakapagpipigil pa.”
Dahan-dahan akong bumangon at
sumuray-suray na lumapit kay Tatay. Ngunit isang tadyak ang sumalubong sa akin.
Napatihaya ako ngunit tinangka kong makatayo. Mabigat ang pakiramdam ko sa
aking katawan at ako’y gumapang.
Ngunit sinabunutan ako ni Tatay at
iningungod sa lupa ang aking mukha. Humihingal ako ngunit di ko makuhang
umiyak. Nasasalat ko ang magkahalong dugo at pawis sa aking pisngi. Di ko
pansin ang mga gasgas sa dalawang siko. Sa labis na panghihina’y umusad ako
nang umusad. Hanggang sa nangangatog kong mga bisig ay yumapos sa mga binti ni
Tatay. Naramdaman ko ang panlalamig ng katawan at ako ay napahandusay sa
kanyang paanan.
Hindi ko na alam kung gaano katagal ang
pagkawala ng aking malay. Naramdaman ko na lamang may maiinit na mga bisig na
yumayakap sa akin. Kinusot ko ang aking mga mata. Sumalubong sa aking paningin
ang maamong mukha ni Tatay. Pagsisisi. Pag-unawa. Lahat ay kasalungat sa dati
niyang gawa. Lalong humigpit ang kanyang pagyakap at kinabig ang aking mukha sa
kanyang dibdib sa tapat ng kanyang puso. Matagal.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento