ANG KUWENTO NI SOLAMPID
Noong unang panahon, may mag-asawang
datu at ba’i sa Agamaniyog na may isang anak na babae na nagngangalang
Solampid. Pinag-aral siya sa isang paaralan sa Antara a Langit na matatagpuan
sa pagitan ng langit at lupa. Ipinadala siya upang mag-aral ng Banal na Qu’ran,
hanggang sa umako siyang napakagandang dalaga. Naging guro niya si Somesen sa
Alongan.
Hingi nagtagal, nagkasakit ang datu ng
Agamaniyog. Malubha ang sakit nito at ipinaalam kay ni Solampid. Umuwi si
Solampid at pinuntahan ang kanyang ama.
“Oh ama, ano ang nangyari sa’yo?” ang
nag-aalalang tanong ng dalaga.
Sumagot sa kanya ang ama, “Mahal kong
anak, malapit na yata akong mawala sa mundong ito. Gusto kong basahin mo sa
akin ang Qu’ran bago ako mamatay at huwag mong kalilimutang mag-abuloy sa mga
mahihirap o magbigay ng ‘sadaka’ sa aking pangalan.”
“Oo, ama, ikinagagalak ko pong gawin
lahat ng kahilingan mo,” ang sagot ni Solampid. Umupo siya sa tabi ng amang
maysakit at sinimulan niya ang pag-awit ng bawat bersikulo ng Qu’ran. Nang
marinig ang kanyang boses, tumigil ang ihip ng hangin at ang mga dahon ay
tumigil sa paggalaw. Pati na rin ang mga ibon ay tumigil sa paglipad upang
makinig sa pag-awit ni Solampid. Pagkatapos na mabasa niya ang Qu’ran, namatay
ang kanyang ama.
Tumangis nang malakas ang dalaga,
“Nanalangin ang lahat sa kaisa-isa nating Panginoon! Oh ama, bakit mo kami
iniwan sa mundong ito?” Umiiyak si Solampid patungo sa kanyang ina at niyakap
ito. Umiiyak din ang lahat ng nasa bahay.
Inihanda ang datu para sa kanyang
libing. Pagkatapos ng pagdadasal, inilibing ang datu sa Agamaniyog. Sumunod
naman ang pang-araw-araw na dasal at pagkatapos, bumalik na si Solampid sa
Antara a Langit.
Pagkatapos ng ikasandaang araw mula
nang mamatay ang ama ni Solampid, bumalik na siya para sa isang kaugaling
sinusunod ng kanyang ama.
Tinulungan ni Solampid ang kanyang ina
sa paghahanda ng pagkain para sa mga bisita. Nang mga oras na iyon, nanonood sa
kanya ang kanyang guro na si Somesen sa Alongan at inihulog niya ang isang
sulat na may larawan niya para kay Solampid. Sinadya niyang ihulog ang mga ito
sa harap ni Solampid.
Kinuha ng ba’ing Agamaniyog ang sulat
na may larawan. Pumasok kagaad ito sa kanyang silid at itinago ang sulat. Bago
niya itinago, tiningnan muna niya ang larawan ni Somesen sa Alongan at humanga
siya sa kagandahang lalaki nito.
Abala naman si Solampid sa paghahanda
ng pagkain para sa mga bisita at pagkatapos ay pinakain niya ang lahat ng mga
naroroon.
Para sa alaala ng kanyang ama ang
paghahandang ito.
Pagkatapos ng lahat, pumunta na si
Solampid sa “lamin”, ang tore ng prinsesa upang matulog. Nanaginip siya na may
isang matandang lalaki na pumunta sa kanya at nagsabing, “Solampid, hindi mo ba
alam na si Somesen ay naghulog ng sulat at larawan para sa iyo ngunit kinuha ng
inyong ina at doon itinago sa kanyang kahon? Gumising ka at buksan mo ang kahon
at kunin mo ang sulat.” Gumising si Solampid at sinunod ang sinabi ng matanda.
At natagpuan niya doon ang sulat at larawan. Binasa niya ang sulat. Para sa ina
ni Solampid ang sulat at nagsasabing umiibig si Somesen sa Alongan kay Solampid
at gusto rin niyang pakasalan ito. Sinunog ni Solampid ang sulat. Kinuha niya
ang larawan at dali-dali siyang umalis ng bahay.
Nang dumating ang kanyang ina, kaagad
namalayan niyang bukas ang kanyang kahon. Nalaman niyang wala na ang larawan at
sulat. Alam din niya na walang ibang magbubukas ng kahon maliban sa kanyang
anak. Pumunta siya sa “lamin” ngunit wala na si Solampid. Bumaba siya at nakita
niya itong papalayo na sa “torongan”. Galit na galit ang ina ni Solampid.
Kumuha ito ng kutsilyo at nagbalak na patayin si Solampid. Muntik na niyang
maabutan ito ngunit tumalon ito sa ilog. Lumangoy siya hanggang sa makarating
sa kabilang dako ng ilog. Lumakad siya nang lumakad hanggang sa makarating siya
sa isang bahay na may dalawang matanda. Bingi ang isang matanda at bulag naman
ang isa. Pumasok kaagad si Solampid sa bahay at nagtago. Dali-dali niyang
isinara ang pinto. Maya-maya, dumating ang kanyang ina, hinanap si Solampid
doon ngunit nabigo siya. Hindi niya nakita si Solampid kaya bumalik siya sa
kanilang bahay.
Pagkaraan ng ilang araw, may tatlong
magkakapatid na binatang dumating sa bahay na pinagtataguan ni Solampid.
Nagtago si Solampid sa silid ngunit nakita rin siya. Nakinig ang magkakapatid
sa kanyang kuwento at napagkasunduan nilang ituring siya na kanilang sariling
kapatid. Dahil sa natuklasan din nilang may maganda itong boses, pinakiusapan
ang kanila gurong si Rajah Indarapatra na tanggapin si Solampid na isa sa
kanilang mga mag-aaral. Hindi nagtagal umibig si Rajah Indarapatra kay Solampid
at pinakasalan ito.
Sipi mula sa Mga Piling Kuwentong Bayan ng
Mga Maguindanaon at Maranao
Nina Nerissa Lozarito-Hufana, Ph.D.
Claribel Diaz-Bartolome, Ph.D.
ano ang moral lesson sa kwento
TumugonBurahin