ANG HUKUMAN NI SINUKUAN: BAKIT NAPARUSAHAN ANG
LAMOK? (MITOLOHIYA)
Noong araw, si Mariang Sinukuan ang reyna sa bundok ng
Arayat. Iginagalang siya ng mga tao sa paligid ng bundok. At dahil isang
diwata, iginagalang din siya ng mga hayop. Sinasabi na may hukuman si Maria sa
bundok ng Arayat at dito nililitis ang kaso ng mga hayop.
Isang araw, umiiyak na dumating si Martines sa hukuman ni
Mariang Sinukuan. Dali-dali niyang ipinakita kay Maria ang kanyang dala-dalang
mga basag na itlog.
“Bakit? Ano ang nangyari at nabasag ang iyong itlog?” tanong
ni Maria. “Kasi po, kagabi, dumamba nang dumamba si Kabayo at natapakan ang
aking pugad,” sumbong ni Martines habang umiiyak.
Ipinatawag ni Maria si Kabayo. “Bakit ka dumamba ng dumamba
kagabi kaya nabasag ang mga itlog ni Martines?” tanong ni Maria sa Kabayo
pagdating. “Kasi po, nagulat ako sa biglang pagkokak ni Palaka,” paliwanag ni
Kabayo.
Ipinatawag ni Maria si Palaka. “Bakit ka biglang kumokak
kagabi kaya dumamba nang dumamba si Kabayo kaya nabasag ang mga itlog ni
Martines?” tanong ni Maria kay Palaka pagdating. “Kasi po, humihingi lang ako
ng saklolo dahil dala ni Pagong ang kanyang bahay at natakot akong mabagsakan,”
paliwanag ni Palaka.
Ipinatawag ni Maria si Pagong. “Bakit dala mo ang bahay mo
kagabi kaya natakot at kumokak si Palaka kaya dumamba nang dumamba si Kabayo
kaya nabasag ang mga itlog ni Martines?” tanong ni Maria kay Pagong pagdating.
“Kasi po, may dalang apoy si Alitaptap at natatakot akong masunog ang aking
bahay,” paliwanag ni Pagong.
Ipinatawag ni Maria si Alitaptap. “Bakit may dala kang apoy
kagabi kaya nagbuhat ng bahay si Pagong kaya natakot at kumokak si Palaka kaya
dumamba nang dumamba si Kabayo kaya nabasag ang mga itlog ni Martines?” tanong
ni Maria kay Alitaptap pagdating. “Kasi po, natatakot akong masaksak ni Lamok.
May dala siyang gulok araw-gabi at apoy lamang ang panlaban ko sa gulok,”
paliwanag ni Alitaptap.
Ipinatawag ni Maria si Lamok. “Bakit may dala kang gulok
araw-gabi kaya nagdala ng apoy si Alitaptap kaya nagbuhat ng bahay si Pagong
kaya natakot at kumokak si Palaka kaya dumamba nang dumamba si Kabayo kaya
nabasag ang mga itlog ni Martines?” tanong ni Maria kay Lamok pagdating. “Kasi
po, hinahanap ko si Talangka,” paliwanag ni Lamok.
“Bakit naman galit ka kay Talangka?” tanong uli ni Maria kay
Lamok. “Kasi po, sinipit niya ako nang minsang magdaan ako sa kanyang bahay.
Mabuti at daplis lang ang sipit niya. Wala akong gulok na dala noon. Nang bumalik
ako ay nagtago siya at hindi malaman kung saan nagpunta. Pero maski saan siya
magsuot, hahanapin ko siya,” galit na galit na paliwanag ni Lamok.
Dahil sa laki ng galit ni lamok, wala sa loob na iwinasiwas
niya ang dala-dalang gulok. Tinamaan si Palaka at kumokak ng malakas. Nagulat
si Kabayo at dumamba nang dumamba. Nagkanya-kanyang takbo sina Martines,
Alitaptap, Pagong at iba pang mga saksi. Nagulo ang buong hukuman ni Maria.
Dito nagalit si Maria at ipinasiyang parusahan si Lamok.
“Masyado kang marahas, Lamok,” sabi niya. “Kung nagkasala si Talangka sa iyo,
dapat na isinumbong mo siya dito at bahala akong magparusa sa kanya. May batas
tayo at hukuman para sa pagkakasala. Pero dahil naging marahas ka, nagulo pati
ang iyong mga kapitbahay. Pati ang hukumang ito ay nagulo sa iyong kawalan ng
pagtitimpi.”
Pinarusahan ni Maria si Lamok na mabilanggo sa loob ng
tatlong araw. Ipinagbawal din niya ang pagdadala ng gulok sa paglilibot ni
Lamok. Pinagbayad din niya si Lamok sa mga nabasag na itlog ni Martines at
pinayuhan si Martines na huwag nang gagawa ng pugad sa lupa.
Natakot si Lamok na maparusahan uli kaya nang makalaya ay
hinding-hindi na nagdala ng gulok. Pero patuloy pa rin siya sa kanyang
paghahanap sa kalabang Talangka. Si Talangka naman ay lagi nang nasa butas at
nagtatago kay Lamok. Kaya ngayon, pag may aali-aligid at bubulong-bulong na
kulisap sa iyong tenga, si Lamok iyon. At akala ay butas ni Talangka ang butas
ng iyong tenga.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento