PRINSIPE BANTUGAN
(Epiko ng Mindanao)
Ikatlong Salaysay ng Darangan
Si Prinsipe Bantugan ay kapatid ni
Haring Madali ng Kaharian ng Bumbaran. Dahil sa kanyang katapangan, walang
mangahas na makipagdigma sa Bumbaran. Bukod sa pagiging matapang ni Bantugan,
siya pa rin ang naghahari at namamayani sa puso ng maraming mga kadalagahan.
Dahil sa inggit sa kanya ng kanyang kapatid na si Haring Madali, ipinag-utos
nito na walang makikipag-usap kay Bantugan at ang sinumang makikipag-usap sa
kanya (Bantugan) ay parurusahan ng kamatayan.
Nang malaman ito ni Bantugan, siya ay
labis na nagdamdam at dahil sa laki ng kanyang pagdaramdam, siya ay
nangibang-bayan. Dahil sa matinding pagod sa paglalakbay kung saan-saan, si
Bantugan ay nagkasakit hanggang sa siya ay abutin ng kamatayan sa pintuan ng
palasyo ng kaharian ng lupaing nasa pagitan ng dalawang dagat.
Nang matagpuan siya ni Prinsipe
Datimbang at ng kapatid nitong hari, sila ay nagulumihanan sapagkat hindi nila
kilala si Bantugan. Tinawag ng magkapatid ang konseho upang isangguni kung ano
ang kanilang dapat gawin. Habang sila ay nag-uusap, isang loro ang dumating sa
bulwagan at sinabi sa kanilang siya ay galing sa Kaharian ng Bumbaran at ang
bangkay ay ang mabunying Prinsipe Bantugan ng Bumbaran.
Nang magbalik ang loro sa Bumbaran ay
ibinalita niya kay Haring Madali ang pagkamatay ni Bantugan. Kaagad lumipad sa
langit si Haring Madali kasama ang isang kasangguni upang bawiin ang kaluluwa
ni Bantugan. Samantala, dinala naman ni Prinsipe Datimbang ang bangkay ni
Bantugan sa Bumbaran. Pagbalik ni Haring Madali ay pinilit niyang ibalik ang
kaluluwa ni Bantugan. Nang muling mabuhay si Bantugan ay nagsaya ang lahat at
nagbago si Haring Madali.
Nang mabalitaan ni Haring Miskoyaw,
kaaway ni Haring Madali na si Bantugan ay namatay, lumusob si Haring Miskoyaw
kasama ang marami niyang kawal sa Bumbaran. Dumating ang pangkat ni Miskoyaw sa
Bumbaran na kasalukuyang nagdiriwang dahil sa pagkabuhay na muli ni Bantugan na
hindi nalalaman ni Miskoyaw. Natigil ang pagdiriwang at ito ay napalitan ng
paglalabanan.
Pumailanlang sa himpapawid si Bantugan
at siya ay nakipaghamok sa mga kalaban. Dahil sa karamihan ng mga tauhan ni
Miskoyaw at kagagaling lamang ni Bantugan sa kamatayan, siya ay nanghina
hanggang sa mabihag ng kanyang mga kaaway. Siya ay iginapos subalit unti-unti
ring nagbalik ang kanyang lakas nang makapagpahinga. Nalagot niya ang
pagkakagapos sa kanya at muling lumaban. Dahil sa malaking galit sa mga kaaway,
higit siyang naging malakas hanggang sa mapuksang lahat ang mga kalaban.
Pagkatapos ng labanan ay dinalaw ni
Bantugan ang palibot ng Kaharian ng Bumbaran at pinakasalang lahat ang kanyang
mga katipan at sila ay dinala sa kanyang kaharian. Sinalubong sila ni Haring
Madali nang buong katuwaan at muli, lahat ay nagdiwang. Nabuhay nang maligaya
si Bantugan sa piling ng kanyang mga babaeng pinakasalan.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento