EPIKO NI ALIGUYON
Sa mga hinagdang taniman sa
bulubundukin naninirahan si Aliguyon, isang mandirigmang Ifugao na mabilis at
magaling sa paghawak ng sibat. Anak siya ni Antalan, isa ring mandirigma.
Maagang natuto ng pakikipaglaban si Aliguyon sa tulong ng kanyang ama. Ang
unang larangan ng digma ni Aliguyon ay ang matitigas na lupa sa tabi ng
kanilang tahanan. Ang unang sandata niya ay ang trumpo at ang mga unang kalaban
niya sa larong ito ay ang mga bata rin sa kanilang pook. Kapag pinawalan ni
Aliguyon ang kanyang trumpo, matining na matining na iikot ito sa lupa o kapag
inilaban niya ito sa ibang trumpo, tiyak na babagsak na biyak ang laruan ng kanyang
kalaban.
Tinuruan din siya ng kanyang ama ng
iba’t ibang karunungan: umawit ng buhay ng matapang na mandirigma, manalangin
sa Bathala ng mga mandirigmang ito, at matutuhan ang mga makapangyarihang
salita sa inusal ng mga pari noong unang panahon.
Ikinintal ni Amtalan sa isip at
damdamin ng anak ang katapangan at kagitingan ng loob. Talagang inihanda ng ama
si Aliguyon upang maipaghiganti siya ng anak sa matagal na niyang kaaway, kay
Pangaiwan ng kabilang nayon. Nang handang-handa na si Aliguyon, nagsama siya ng
iba pang mandirigma ng kanilang nayon at hinanap nila ang kalaban ni Antalan.
Subalit hindi si Pangaiwan ang natagpuan nila kundi si Dinoyagan, ang anak na
lalaki nito. Mahusay din siyang mandirigma, tulad ni Aliguyon. Inihanda rin
siya ng kanyang ama sa pakikipaglaban upang maipaghiganti siya ng anak sa
kalaban niyang si Antalan.
Kaya anak sa anak ang nagtagpo. Kapwa
sila matatapang, kapwa magagaling sa pakikipaglaban lalo na sa paghawak ng
sibat.
Itataas ni Aliguyon ang kanyang sibat.
Nangingintab ito lalo na kung tinatamaan ng sikat ng araw. Paiikutin ang sibat
sa itaas saka mabilis ang kamay ng binatang kalaban. Aabangan ng matipunong
kanan ang sibat na balak itimo sa kanyang dibdib.
Tila kidlat na paroo’t parito ang
sibat. Maririnig na lamang ang haging nito at nagmistulang awit sa hangin.
Nanonood ang mga dalagang taga-nayon at
sinusundan ng mga mata ang humahanging sibat. “Saksakin mo siya, Dinoyagan!”
Sasawayin sila ng binata, “Kasinggaling ko siya sa labanang
ito.”
Araw-araw ay nagpatuloy ang kanilang
laban hanggang sa ito’y inabot ng linggo, ng buwan. Kung saan-saan sila
nakarating. Nagpalipat-lipat ng pook, palundaglundag, patalon-talon sa mga
taniman.
Namumunga na ang mga palay na
nagsisimula pa lamang sumibol nang simulant nila ang labanan. Inabot ng taon
hanggang sa sila’y lubusang huminto ng pakuluan ang sibat. Walang nasugatan sa
kanila. Walang natalo.
Naglapit ang dalawang mandirigma.
Nagyakap at nagkamayan, tanda ng pagkakaibigan at pagkakapatiran. Dakila si
Aliguyon. Dakila si Dinoyagan. Ipinangako nilang sa oras ding iyon na lilimutin
na ang alitan ng kanilang mga ama. Nagdiwang ang lahat. Sa kani-kanilang nayon,
tinuruan nina Aliguyon at Dinoyagan ang mga tao tungkol sa marangal na
pamumuhay, karangalan, at katapangan ng mga mandirigma, at pagmamahal at
pagmamalasakit sa Inang Bayan. Kahit na sila’y pumanaw, binuhay ng mga Ifugao
ang kanilang kadakilaan. Inaawit ang kanilang katapangan. Hindi mawawala sa
puso at kasaysayan ng mga Ifugao ang kagitingan ng dalawang mandirigma.
Nagpasalin-salin sa mga lahi ng Ifugao, ng mga Pilipino ang dakilang pamana ng
mga dakilang mandirigma.
Lalong nagkalapit ang damdamin ng
dalawang mandirigma nang mapangasawa si Aliguyon si Bugan, ang kapatid ni
Dinoyagan at nang maging kabiyak ng dibdib ni Dinoyagan ang kapatid ni
Aliguyon. Nanirahan sila sa kani-kanilang nayon. Doon sila namuhay nang
maligaya. Doon lumaki ang kani-kanilang mga supling.
Kung may pista o anumang pagdiriwang sa
kanilang nayon, buong kasiyahang pinanonood ng mga taga-nayon ang dalawa lalo
na kung sila’y sumasayaw. Kung mahusay sila sa pakikidigma ay mahusay din sila
sa pagsasayaw. Lumulundag sila at pumailanlang na parang maririkit na agila.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento