Huwebes, Mayo 25, 2017

PANAWAGAN NG MAY-AKDA (SAKNONG 1–SAKNONG 6)



PANAWAGAN NG MAY-AKDA (SAKNONG 1–SAKNONG 6)

O, Birheng kaibig-ibig
Ina naming nasa langit,
Liwanagan yaring isip
Nang sa layo’y di malihis.

Ako’y isang hamak lamang
Taong lupa ang katawan,
Mahina ang kaisipan
At maulap ang pananaw.

Malimit na makagawa
Ng hakbang na pasaliwa
Ang tumpak kong ninanasa
Kung mayari ay pahidwa

Labis yaring pangangamba
Na lumayag na mag-isa,
Baka kung mapalaot na
Ang mamangka’y di makaya

Kaya, Inang matangkakal
ako’y iyong patnubayan,
nang mawasto sa pagbanghay
nitong kakathaing buhay.

At sa tanang nariritong
Nalilimping maginoo
Kahilinga’y dinggin ninyo
Buhay na aawitin ko.

KALIGIRANG PANGKASAYSAYAN NG IBONG ADARNA



KALIGIRANG PANGKASAYSAYAN NG IBONG ADARNA

Sinabi ni Santillan-Castrence (1940) na ang kasaysayan ng Ibong Adarna ay maaaring hango sa mga kuwentong-bayan ng iba’t ibang bansa, tulad ng Alemanya, Denmark, Romania, Austria, Finland, Indonesia, at iba pa.

Taglay ng Ibong Adarna ang motif ng cycle na matatagpuan sa mga kuwentong bayan o folklore. Ito’y ang sumusunod: maysakit ang ina (isang reyna) isang ama (isang hari) at kailangan ng isang mahiwagang bagay upang gumaling, tulad ng ibong umaawit, tubig ng buhay, halaman, at iba pa. Maglalakbay ang tatlong anak ngunit ang bunso ang magtatagumpay (dahil matulungin) na makuha ang makalulunas na bagay sa tulong ng
matandang ermitanyo. Pagtutulungan siya ng nakatatandang mga kapatid upang agawan ng karangalan, at magdaranas siya ng maraming hirap, ngunit magtatagumapy rin sa huli.

Ilan sa mga kuwentong-bayan na hawig ng Ibong Adarna ay ang sumusunod:
1. Mula sa kuwentong Scala Celi (1300)
2. Mula sa Hessen, Alemanya (1812)
3. Mula sa Paderborn, Alemanya
4. Mula sa Vaderbon, isinulat ni Gretchen Wild ang “Ang Maputing Kalapati” (1808)
5. Mula sa Denmark (1696)
6. Mula sa “Isang Libo’t Isang Gabi”
7. Mula sa Malayo-Polinesya ni Renward Brandsetter
8. Mula sa Malische- Marchen na tinipon ni Paul Ambruch

Ang mga kuwentong-bayan na ito ay may pagkakahawig ngunit may pagkakaiba dahil sa kulturang pinagmulan ng bansa.

TULANG ROMANSA



TULANG ROMANSA

Ang tulang romansa ay tulang pasalaysay tungkol sa pakikipagsapalaran at kabayanihan na karaniwang ginagalawan ng mga prinsipe’t prinsesa at mga mahal na tao.

Naging palasak ang mga tulang romansa sa Europa noong Edad Media at maaaring nakarating ito sa Pilipinas mula sa Mexico noon pang 1610. Ngunit noong dantaon 18 lamang ito naging palasak sa ating bansa kasabay ng pagkakilala sa impremta at pagkatuto ng mga katutubo ng alpabetong Romano.

Ang panitikan ay isa sa mga paraang ginamit ng mga mananakop na Kastila sa pagpapalaganap ng relihiyong Kristiyano, at ang mga tulang romansa ay lumaganap kasabay ng pagdagsa ng mga aklat-dasalan. Layunin ng tulang romansa na mapalaganap ng diwang Kristiyano. Karaniwan, kung gayon, ang pagtawag sa Diyos ng mga tauhan at ang gantimpala ng langit sa mga nananalig. Karaniwan ding nagsisimula ang mga ito sa panalangin sa pag-aalay ng akda sa Birhen o sa isang santo.

Nagkasanib sa tulang romansa ang dayuhan at ang katutubo. Dayuhan ang (1) anyong pampanitikan na galing sa Europa at dinala rito ng mga prayle at sundalong Kastila; (2) ang mga tauhan, na may prinsipe at prinsesang may mga pangalang dayuhan; (3) ang tagpuan, na karaniwang isang malayong kaharian sa Europa; at (4) ang paksang relihiyoso na pinalalaganap sa pamamagitan ng anyong pampanitikang ito.

Ngunit binibihisan na ang tulang romansa ng katutubong pagkamalikhain. Katutubo ang (1) wikang ginamit sa mga tulang romansa; (2) ang tradisyon sa pagtula na dati nang ginagamit sa panitikang salimbibig, tulad ng bugtong, sawikain, at iba pa; (3) ang mga talinghagang likas sa wika; at (4) ang mga pagpapahalagang pamana ng ating mga ninuno, tulad ng pagmamahal sa magulang, pagtulong sa nangangailangan at iba pa.

Ang tulang romansa, kung gayon, ay dayuhang anyo na binihisan ayon sa katutubong panlasa. Maging ang mga tauhan, bagama’t mga prinsipe at prinsesang may mga dayuhang pangalan, ay nagpapahayag ng mga kaisipan at pagpapahalagang katutubo.


Dalawang Anyo ng Tulang Romansa
Ang awit at korido ay dalawang anyo ng tulang romansa. Nagkakaiba ang dalawang ito ayon sa sukat, himig, at pagkamakatotohanan.

Korido
(1) May walong pantig sa bawat taludtod.
(2) Sadyang para basahin, hindi awitin.
(3) Kapag inawit, sa himig na mabilis o allegro, ito ay dahil maikli ang mga taludtod, wawaluhing pantig lamang.
(4) Ang mga tauhan ay may kapangyarihang supernatural o kakayahang magsagawa ng mga kababalaghan na hindi magagawa ng karaniwang tao, tulad ng pagpatag ng bundok, pag-iibang anyo, at iba pa.
(5) Dahil dito, ang mga pakikipagsapalaran ng mga tauhan ay malayong maganap sa tunay na buhay.
(6) Halimbawa nito ang Ibong Adarna.

Awit
(1) May labindalawang pantig sa bawat taludtod.
(2) Sadyang para awitin, inaawit sa tanging pagtitipon.
(3) Ang himig ay mabagal o banayad, tinatawag na andante.
(4) Nahaharap sa mga pakikipagsapalaran ang mga tauhan sa awit, ngunit higit na makatotohanan o hango sa tunay na buhay ang mga pangyayari. Walang kapangyarihang supernatural ang mga bida.
(5) Maaaring maganap sa tunay na buhay ang mga pangyayari sa isang awit.
(6) Halimbawa nito ang Florante at Laura.

May iisang layunin ang awit at korido sa paglikha ng mga tauhang may kahangahangang kakayahan:
Lumikha ng larawan ng isang bayaning maaaring hangaan at pamarisan.

ANG KUWENTO NI MABUTI ni Genoveva Edroza-Matute; ANAPORA AT KATAPORA



MAIKLING KUWENTO
Maikling Kuwento – ay isang maikling salaysay hinggil sa isang mahalagang pangyayaring kinasasangkutan ng isa o ilang tauhan at may iisang kakintalan o impresyon lamang.

Ang mga elemento ng maikling kuwento ay ang sumusunod:
a. Tauhan na nagtataglay ng suliranin – ang karakter na kung saan ang magsisilbingdaan upang magkaroon ng kuwenta ang kuwento
b. Tagpuan – ang lugar na pinangyayarihan ng kuwento
c. Banghay – ang pagkakasunod-sunod ng mga pangyayari sa isang kuwento
d. Kakintalan – mensahe/aral na makukuha sa kuwento



ANG KUWENTO NI MABUTI
ni Genoveva Edroza-Matute
Hindi ko siya nakikita ngayon. Ngunit sinasabi nilang naroroon pa siya sa dating pinagtuturuan, sa walang pintang paaralang una kong kinakitaan sa kanya. Sa isa sa mga lumang silid sa ikalawang palapag, sa itaas ng lumang hagdang umiingit sa bawat hakbang, doon sa kung manunungaw ay matatanaw ang maitim na tubig ng isang estero. Naroon pa siya’t nagtuturo ng mga kaalamang pang-aklat, at bumubuhay ng isang uri ng karunungan sa kanya ko lamang natutuhan.

Lagi ko siyang inuugnay sa kariktan ng buhay. Saan man sa kagandahan; sa tanawin, sa isang isipan o sa isang tunog kaya, nakikita ko siya at ako’y lumiligaya. Ngunit walang anumang maganda sa kanyang anyo… at sa kanyang buhay…

Siya ay isa sa mga pangkaraniwang guro noon. Walang sinumang nag-ukol sa kanya ng pansin. Mula sa kanyang pananamit hanggang sa paraan ng pagdadala niya ng mga panunugutan sa paaralan, walang masasabing anumang pangkaraniwan sa kanya.

Siya’y tinatawag naming lahat na si Mabuti kung siya’y nakatalikod. Ang salitang iyon ang simula ng halos lahat ng kanyang pagsasalita. Iyon ang pumalit sa mga salitang hindi niya maalala kung minsan, at nagiging pamuno sa mga sandaling pag-aalanganin. Sa isang paraang malirip, iyon ay naging salamin ng uri ng paniniwala sa buhay.

“Mabuti,” ang sasabihin niya, “… ngayo’y magsisimula tayo sa araling ito. Mabuti nama’t umabot tayo sa bahaging ito… Mabuti… Mabuti!”

Hindi ako kailanman magtatapat sa kanya ng anuman kung di lamang nahuli niya akong minsang lumuluha; nang hapong iyo’y iniluha ng bata kong puso ang pambata ring suliranin.

Noo’y magtatakipsilim na at maliban sa pabugsu-bugsong hiyawan ng mga nagsisipanood sa pagsasanay ng mga manlalaro ng paaralan, ang buong paligid ay tahimik na. Sa isang tagong sulok ng silid-aklatan, pinilit kong lutasin ang aking suliranin sa pagluha.

Doon niya ako natagpuan.

“Mabuti’t may tao pala rito,” wika niyang ikinukubli ang pag-aagam-agam sa narinig. “Tila may suliranin… mabuti sana kung makatutulong ako.”

Ibig kong tumakas sa kanya at huwag nang bumalik pa kailanman. Sa bata kong isipan ay ibinilang kong kahihiyan ay kababaan ang pagkikita pa naming muli sa hinaharap, pagkikitang magbabalik sa gunita ng hapong iyon. Ngunit, hindi ako makakilos sa sinabi niya pagkatapos. Napatda ako na napaupong bigla sa katapat na luklukan.

“Hindi ko alam na may tao rito… naparito ako upang umiyak din.”

Hindi ako nakapangusap sa katapatang naulinig ko sa kanyang tinig. Nakababa ang kanyang paningin sa aking kandungan. Maya-maya pa’y nakita ko ang bahagyang ngiti sa kanyang labi.

Tinanganan niya ang aking mga kamay at narinig ko na lamang ang tinig sa pagtatapat sa suliraning sa palagay ko noo’y siya nang pinakamabigat.Nakinig siya sa akin, at ngayon, sa paglingon ko sa pangyayaring iyo’y nagtataka ako kung paanong napigil niya ang paghalakhak sa gayong kamusmos na bagay. Ngunit, siya’y nakinig nang buongpagkaunawa, at alam ko na ang pagmamalasakit niya’y tunay na matapat.

Lumabas kaming magkasabay sa paaralan. Ang panukalang naghihiwalay sa amin ay natatanaw na nang bigla akong makaalala.

“Siyanga pala, Ma’am, kayo? Kayo pala? Ano ho iyong ipinunta ninyo sa sulok na iyon na … iniiyakan ko?”

Tumawa siya ng marahan at inulit ang mga salitang iyon; “ang sulok na iyon na … iniiyakan natin… nating dalawa.” Nawala ang marahang halakhak sa kanyang tinig: “sana’y masabi ko sa iyo, ngunit… ang suliranin… kailanman. Ang ibig kong sabihin ay … maging higit na mabuti sana sa iyo ang… buhay.”

Si Mabuti’y naging isang bagong nilikha sa akin mula nang araw na iyon. Sa pagsasalita niya mula sa hapag, pagtatanong, sumagot, sa pagngiti niyang mabagal at mahiyain niyang mga ngiti sa amin, sa paglalim ng kunot sa noo niya sa kanyang pagkayamot, naririnig kong muli ang mga yabag na palapit sa sulok na iyon ng silid-aklatan. Ang sulok na iyon,.. “Iniiyakan natin,” ang sinabi niya nang hapong iyon. At habang tumataginting sa silid namin ang kanyang tinig sa pagtuturo’y hinuhulaan ko ang dahilan o mga dahilan ng pagtungo niya sa sulok na iyon ng silid-aklatan. Hinuhulaan ko kung nagtutungo pa siya roon, sa aming sulok na iyong… aming dalawa…

At sapagkat natuklasan ko ang katotohanang iyon tungkol sa kanya, nagsimula akong magmasid, maghintay ng mga bakas ng kapaitan sa kanyang sinasabi. Ngunit, sa tuwina, kasayahan, pananalig, pag-asa ang taglay niya sa aming silid-aralan. Pinuno siya ng maririkit na guni-guni ng aming isipan at ng mga tunog ng aming pandinig at natutuhan naming unti-unti ang kagandahan ng buhay. Bawat aralin namin sa panitikan ay naging isang pagtighaw sa kauhawan namin sa kagandahan at ako’y humanga.

Wala iyon doon kanina, ang masasabi ko sa aking sarili pagkatapos na maipadama niya sa amin ang kagandahan ng buhay sa aming aralin. At hindi naging akin ang pagtuklas na ito sa kariktan kundi pagkatapos na lamang ng pangyayaring iyon sa silid-aklatan.

Ang pananalig niya sa kalooban ng maykapal, sa sangkatauhan, sa lahat na, isa sa mga pinakamatibay na aking nakilala. Nakasasaling ng damdamin. Marahil, ang pananalig niyang iyon ang nagpakita sa kanya ng kagandahan sa mga bagay na karaniwan na lamang sa amin ay walang kabuluhan.

Hindi siya bumabanggit ng anuman tungkol sa kanyang sarili sa buong panahon ng pag-aaral namin sa kanya. Ngunit bumanggit siya tungkol sa kanyang anak na babae, sa tangi niyang anak… nang paulit-ulit. Hindi rin siya bumabanggit sa amin kailanman tungkol sa ama ng batang iyon. Ngunit, dalawa sa mga kamag-aral namin ang nakababatid na siya’y hindi balo.

Walang pag-aalinlangan ang lahat ng bagay at pangarap niyang maririkit ay nakapaligid sa batang iyon. Isinalaysay niya sa amin ang katabilan niyon. Ang paglaki nang mga pangarap niyon, ang nabubuong layunin niyon sa buhay. Minsan, tila hindi namamalayang nakapagpapahayag ang aming guro ng isang pangamba, ang pagkatakot niyang baka siya hindi umabot sa matatayog na pangarap ng kanyang anak. Maliban sa iilan sa aming pangkat, paulit-ulit niyang pagbanggit sa kanyang anak ay iisa lamang ang mga bagay na “pinagtitiisang” pakinggan sapagkat walang paraang maiwasan iyon. Sa akin, ang bawat pagbanggit na iyon ay nagkakaroon ng kahulugan sapagkat noon pa ma’y nabubuo na sa aking isipan ang isang hinala.

Sa kanyang magandang salaysay, ay nalalaman ang tungkol sa kaarawan ng kanyang anak, ang bagong kasuotan niyong may malaking lasong pula sa baywang, ang mga kaibigan niyong mga bata rin, ang kanilang mga handog. Ang anak niya’y anim na taong gulang na. Sa susunod na taon siya’y magsisimula nang mag-aral. At ibig ng guro naming maging manggagamot ang kanyang anak–at isang mabuting manggagamot.

Nasa bahaging iyon ang pagsasalita ng aming guro nang isang bata sa aking likuran ang bumulong: “Gaya ng kanyang ama!”

Narinig ng aming guro ang sinabing iyon ng batang lalaki. At siya’y nagsalita.

“Oo, gaya ng kanyang ama,” ang wika niya. Ngunit tumakas ang dugo sa kanyang mukha habang sumisilay ang isang pilit na ngiti sa kanyang labi.

Iyon ang una at huling pagbanggit sa aming klase ang tungkol sa ama ng batang may kaarawan.

Matitiyak ko noong may isang bagay ngang malisya sa buhay niya. Malisya nang ganoon na lamang. At habang nakaupo ako sa aking luklukan, may dalawang dipa lamang ang layo sa kanya, kumirot ang puso ko sa pagnanasang lumapit sa kanya, tanganan ang kanyang mga kamay gaya ng ginagawa niya nang hapong iyon sa sulok ng silid-aklatan, at hilinging magbukas ng dibdib sa akin. Marahil, makagagaan sa kanyang damdamin kung may mapagtatapatan siyang isang tao man lamang. Ngunit, ito ang sumupil sa pagnanasa
kong yaon; ang mga kamag-aral kong nakikinig ng walang anumang malasakit sa kanyang sinasabing, “Oo, gaya ng kanyang ama,” habang tumatakas ang dugo sa kanyang mukha.

Pagkatapos, may sinabi siyang hindi ko makalilimutan kailanman. Tiningnan niya ako ng buong tapang na pinipigil ang panginginig ng mga labi at sinabi ang ganito : “Mabuti… mabuti gaya ng sasabihin nitong Fe–lyon lamang nakararanas ng mga lihim na kalungkutan ang maaaring makakilala ng mga lihim na kaligayahan. Mabuti, at ngayon, magsimula sa ating aralin…”

Natiyak ko noon, gaya ng pagkakatiyak ko ngayon na hindi akin ang pangungusap na iyon, ni sa aking mga pagsasalita, ni sa aking mga pagsusulat. Ngunit samantalang nakatitig siya sa akin ng umagang iyon, habang sinasabi niya ang pangungusap na iyon, nadama kong siya at ako ay iisa. At kami ay bahagi ng mga nilalang na sapagkat nakaranas ng mga lihim na kalungkutan ay nakakikilala ng mga lihim na kaligayahan.

At minsan pa, nang umagang iyon, habang unti-unting bumabalik ang dating kulay ng kanyang mukha, muli niyang ipinamalas ang mga nagtatagong kagandahan sa aralin namin sa panitikan. Ang kariktan ng katapangan; ang kariktan ng pagpapatuloy anuman ang kulay ng buhay.

At ngayon, ilang araw lamang ang nakararaan buhat nang mabalitaan ko ang tungkol sa pagpanaw ng manggagamot na iyon. Ang ama ng batang iyon marahil ay magiging isang manggagamot din balang araw, ay namatay, at naburol ng dalawang gabi at dalawang araw sa isang bahay na hindi siyang tirahan ni Mabuti at ng kanyang anak. At naunawaan ko ang lahat. Sa hubad na katotohanan niyon at sa buong kalupitan niyon ay naunawaan ko ang lahat.


ANAPORA AT KATAPORA
Anapora – nasa unahan ang tinutukoy at nasa hulihan ang naglalarawan sa tinutukoy.
Halimbawa:
Si Mabuti ay isang guro. Lagi siyang tumatangis sa loob ng silid-aklatan at iyon ang naging usap-usapan sa paaralang kanyang pinagtuturuan.

Katapora – nasa hulihan ang tinutukoy at nasa unahan ang naglalarawan sa tinutukoy.
Halimbawa:
Lagi siyang tumatangis sa loob ng silid-aklatan at iyon ang naging usap-usapan sa paaralang kanyang pinagtuturuan. Siya si Mabuti.